Aral ay gawing tulay para sa matiwasay na Buhay



Matapos makalap ang mga datos at mga impormasyon sa barangay Mataas na Lupa ay nabuksan ang aming mga mata upang makita ang reyalidad ng buhay na may mga taong hindi nakapagtapos at hindi nakapag-aral dulot ng kahirapan ng buhay, kawalan ng motibasyon na pumasok sa paaralan, at kakulangan ng pampublikong paaralan sa lugar. Dahil ng mga suliraning ito, ninais naming ituloy ang adhikain at layunin ni San. Juan Bautista De La Salle na makapag bigay aral sa mga kabataan at makapagpabago ng buhay sa pamamagitan ng edukasyon. Ang napagkasunduan naming gawin ay maglunsad ng libreng tutorial sa mga out-of-school youth. Nais din namin na hindi lang sa amin matatapos ang proyekto na ito, bagkus ito ay maipagpatuloy sa mga susunod pang panahon. Sinasabi ng karamihan na ang CAPSTONE ay pabigat, dahilan ng pagbaba ng marka at ang hindi malinaw na layunin nito, ngunit sa paglipas ng panahon ay mas nakikita namin na ang CAPSTONE ay nagsisilbing oportunidad na makatulong hindi lamang para sa ibang tao kundi para sa aming mga sarili din bilang mga estudyante sa iba’t ibang larangan kagaya ng paglinang sa pakikisalamuha at pakikipagkomunikasyon sa harap ng maraming tao. Ang CAPSTONE ay hindi parang isang panig ng barya, sapagkat dahil dito hindi lamang ang napiling komunidad ang nakikinabang bagkus pati na rin ang mga estudyante, higit pa doon ang pagkakaroon ng karanasan ng mga estudyante sa mga makamundong bagay. Sa aming perspektiba ang CAPSTONE ay isang paraan upang mapukaw ang mga kabataan sa reyalidad ng mundo at ang mga gawain nito upang makamit ang mas magandang komunidad.

Bilang paglalagom, hindi naging madali ang pagpaplano para sa proyekto na ito dahil nais naming masigurado na ang proyektong ilulunsad namin ay angkop at talagang makapagbibigay ng tulong sa mga kabataan na pinili o napilitan na huwag ng mag-aral. Noong umpisa ay tinatamad o wala kaming gana sa paggawa nito; nakadagdag pa dito ang kawalan ng gana ng mga tao na sumagot sa sarbey na aming pinangasiwaan. Ang iba naman kapansing-pansing napipilitan lamang habang ang iba naman ay nababakas na hindi interesadong sumagot. Ngunit base sa kanilang mga kasagutan hindi maikukubling edukasyon ang isa sa mga problema na barangay Mataas na Lupa. Sa kabila ng aming mga katamadan at pagrereklamo sa buhay, mas pinili namin na gawin ang mga pinapagawa sa CAPSTONE at hindi maipagkakailang hindi ito naging madali, sapagkat may mga gabi na kami ay nagpupuyat at mga panahon na nagmamadali kami upang makapagpasa ng mga pinapagawa sa CAPSTONE. Pero sa kabila ng lahat ng iyon, nagulat kami dahil habang tumatagal ay nakikita namin na minamahal na namin ang aming mga ginagawa marahil ay dahil unti-unting namumulat kami sa mga nangyayare sa paligid namin at nabubuksan ang aming mga puso at isipan na tumulong at maglingkod sa mga nangangailangan. Nasaksihan namin ang mga isyung panlipunan noong kami ay nagsimulang magsaggawa ng CAPSTONE. Maraming kabataan ang tumigil nang mag-aral sa Barangay Mataas na Lupa, kung saan kalimitan ang bawat kabahayan ay may isa o higit pang kabataan na hindi pumapasok sa paaralan. Mahahanay ang ugat ng isyu sa kawalan ng motibasyon, kakulangan ng pera at sa kawalan ng pampublikong paaralan sa Barangay. Kakikitaan na simple lamang ang paraan ng pamumuhay ng mga nainirahan sa Sittio Abo, Barangay Mataas na Lupa kung saan ang kabahayan ay dikit-dikit sa isang lugar na ang daan ay sa isang madilim na eskinita. Kung kaya naman ang mga magkakapit bahay ay malalapit na din ng loob, isang maaring rason din ng pagkakaroon ng mataas na antas ng kabataang tumigil na sa pag-aaral dahil sa peer pressure. Ang aming proyekto ay pinangalanang BUHAY (Bringing Utmost Hope to Aspiring Youths) na ang misyon ay makapag bigay ng libre at dekalidad na pagtuturo at mga aktibidad na magsisilbing mitsa sa mga utak at puso ng mga kabataan na bumalik sa pag-aaral upang mapaganda ang kanilang mga pamumuhay. Isasagawa ito sa buwan ng Setyembre hanggang sa Nobyembre tuwing Sabado ng ika-7 ng umaga hanggang ika-4 ng hapon sa loob ng De La Salle Lipa. Magtatapos ang aming programa sa pagbibigay ng listahan ng mga akademiko at hindi akademikong iskolarships. Upang mabigyang bisa ang proyekto kami ay makikipag-ugnayan sa SIKAT foundation ng De La Salle Lipa na siyang nagbibigay din ng edukasyon at pakain sa mga kabataan ng San Carlos. Dagdag pa rito, kami ay magtatayo ng club sa JHS ng De La Salle Lipa na magsisilbing aming kasanggay sa pagbuo ng aming proyekto. Ito din ang magbibigay ng kasiguraduhan na ang proyektong aming isasagawa ngayon ay mapananatili buhay sa mahabang panahon.

Ang edukasyon ang sandigan ng bawat isa upang makapamuhay ng maayos sa mundong puno ng suliranin at pagdurusa. Mahalaga ang edukasyon dahil ito ang humuhubog sa intelekwal na pag-iisip at kilos ng bawat indibidwal. Nararapat lamang na ito ay ibahagi at ipagkaloob sa lahat, sapagkat ito ang magiging susi sa kaginhawaan, katiwasayan at kaunlaran ng bayan. Ang ambisyon ng BUHAY Foundation ay wakasan ang patuloy na pagdami ng mga out-of-school youth sa barangay Mataas na Lupa na dulot ng kawalan ng motibasyon na mag-aral at ng sobrang kakapusan sa buhay. Makakamit ito sa pamamagitan ng paghimok sa bawat kabataan na magbalik-aral at ihatid sila sa mga pintong magbubukas ng maraming magagandang oportunidad upang makamit nila ang kanilang mga adhikain sa buhay. Nais din namin itatak sa puso at isipan ng bawat kabataan na hindi hadlang ang kahirapan para makapag-aral at hindi uunlad ang kanilang pamumuhay kung hindi sila magsusumikap at matututong tumayo sa sarili nilang paa. Hatid ng BUHAY Foundation ang libreng dekalidad na edukasyon na sadyang pakikinabangan ng husto ng mga benepisyaryo pagdating ng panahong sila naman ang maglilingkod sa pamayanan, lalo’t higit sa kanilang barangay. Ang lahat ng ito ay dulot ng mga hakbangin ng CAPSTONE na nagbigay linaw sa amin kung ano nga ba ang hinaharap ng mga kabataan kung hindi sila magkakaroon ng pagkakataon na makapag-aral. At sa inspirasyon na dulot ni San Juan Bautista De La Salle, Patron ng mga Guro, na ipagpatuloy ang kanyang misyong makapagbigay ng dekalidad na edukasyon sa lahat, lalong-lalo na sa  mga maralita.

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started